Monday, 3 February 2014

Si Warlord

Marahil alam niyo na ang balita
Limampo't pito katao ang pinatay 
Mga katawan ay iniwang luray-luray
Sa lansangan habang ang iba'y 
Inilibing sa isang mababaw na hukay

Si Warlord daw ang may pakana 
Dahil sa sobrang takot na mawala 
Posisyon at pamamayagpag 
Ang pamilya ay kinayang gumawa 
Ng sariling lupon ng mandirigma.

Isang komedya ang tumambad 
Mga baril ni Warlord walang katulad
Isang ordinaryong sundalo ng bansa 
Di batid uri ng mga armas ng pandigma
Sa lupain ni Warlord ay nakita.

Paano nangyari ito?
Bakit umabot sa ganito?
Kung noon pa ay napag-alaman na
Kapangyarihan ni Warlord na sobra-sobra
Nakitil at nasawata na sana.

Totoong napakahirap makita 
Kasakiman na nabaon ng gunita
Utang na loob na lumason 
Sa hangaring manatili pa 
Sa kapangyarihang kaaya-aya.

Ngipin para sa ngipin
Mata para sa mata
Kung ito lamang ay panuntunan pa 
Marahil ay naubos na 
Angkan ni Warlord namaalam na sana.

Ano pa kaya ang kaya nating gawin
Upang karahasang tulad nito ay matigil?
Katahimikan at kapayapaan na mithiin
Mananatili na nga lang bang adhikain
O si Lord na lang ang bahala sa atin?


Ilang taon na ba ang nakalipas? May nanagot na ba?

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.